Thursday, August 26, 2010

Catharsis

Gustong sumabog. Hindi mapakali sa kinauupuan. Parang 'di makahinga. Nasasakal na sa artipisyal na lamig na ibinibigay ng AC sa loob ng opisina. Ayaw ng ganitong pakiramdam sa tuwing walang field works. Nabubuang. Nakatamabay lang. Petiks. Assuming na may ginagawa. Kunwaring may ka-chat na kliyente pero ka-chikahan lang pala (ang mga babaeng comments-off) si  Unni o kaya si Kayedee sa YM  tuwing hapon. Pretending na nagbabasa ng business e-mails, 'yun pala blog lang ng mga paboritong manunulat ang binabasa. Gustong lumabas at bumaba ng gusali para makasinghot ng sariwang hangin pero usok lang pala ng dumadaang sasakyan  at ng mga nagyoyosing empleyado ang sasalubong sa'yo. Ayaw mag-sidestream .Takot magka-lung cancer. CA for short ika ni Doc Ced. Hays! Walang ibang choice kundi ang bumalik sa 26th floor ng building at magmukmok sa work station.

Isang malaking pasakit sa buhay kung ganito parati. Nakakabobong LALO. Kung ano-ano na lang ang naiisip. Gusto ng tumalon sa  gusali pero biglang aayaw dahil natatakot mamatay na pangit ang hitsura. Pangit na nga sa kasalukuyan. Kaunting pangungumusta sa mga naging kaibigang kliyente sa telepono. Teleleng! Teleleng! Sabi ng orasan. Payb na pala at awasan na...muling nabuhay ang kaluluwa...uuwi na at baka tuluyang mateleleng.

Dumating na naman ang isa pang nakakabagot na araw. Maagang na-accomplish ang lahat ng gawain. Siyetex! Ala-una pa lang ng hapon at wala na namang ginagawa. Gustong sumigaw ngunit bawal. Gustong  agawan ng mop si manong Jani para linisin ang buong gusali pero dedicated  siya sa work kaya hahayaan na lang. Ipinikit ang mga mata. Isang malalim na buntong- hinga. Biglang pinasukan ng kaunting oxygen ang bulok na brain. Ting! May bagong naisip. Biglang naalala ang ginawa  ni Roanne 'nung minsang pumetiks  din sa trabaho. Matagal tagal  na ding  hindi ito ginagawa. May pulso pa kaya para rito?

Tamang tama wala ang dalawang mutaing amo. May kanya-kanyang mga business trips. 'Yung isa nagpatuli may meeting sa head office sa Japan. 'Yung isa nagpasex change may ka-deal na kliyente sa Thailand. Walang magmamasid sa gagawin. Maisasagawa  ng tuloy tuloy ang pagdo-drawing. 


Lapis. Eraser. Papel. Handa na. Subject: Larawan ng isang crush na artista. Hindi ito si Anne Curtis kung saan matinding karibal ko dito sina Jepoy at Goyo. Ah basta! Guguhit ako. Pamatay-oras lang. Iguguhit ko siya.

Konting sulyap sa...Trabaho? LOL
Dalawampung minuto bago uli magteleleng si orasan. Tapos na din ang obra. Lingon-lingon sa paligid kung may nakatingin. At click! Pasimpleng kumuha ng larawan sa sarili. Lumingid-lingid uli kung may nakapansin. Wala. Isa pang madaliang click para kuhanan  ang obra. Hindi maganda ang kuha pero puwede na.

Heto na ang gawa ng isang bagot na empleyado. Hindi ko sasabihin kung ano ang pangalan niya. Gusto kong kayo ang magsabi kung nakikilala 'nyo siya. Ang crush ko...

Ah basta, model siya ng RC ngayon.


Puwede na ba? Have a happy weekend!




Extras:

- Can't make it to Puerto Galera this weekend. May darating daw na bagyo sabi ng friend. Sighs.

- Congratulations to Miss Raj! She did a major major thing for the Philippines that we can be very proud of. : )

- RIP to the souls of Quirino Grandstand tragedy victims...: (

Saturday, August 21, 2010

The Promise

Isa sa mga gusto kong ugali ng mga supot Hapon ay ang pagpapahalaga nila sa kanilang sinabi. Nasasabi ko ito kasi minsan din akong nakiusyuso sa kanilang kultura. (Echusreo ako, eh ano ngayon?) Sa loob ng mahigit isang taon na pamalagi sa kanilang bansa, medyo nahawa ako sa pamaraan ng kanilang pamumuhay. (Liban lang sa di nila pagto-toothbrush at di pagligo everyday.LOL). Naalala ko noon bilib na bilib sila sa akin kasi kinaya ko daw na maligo kahit taglamig. Napatanong tuloy ako sa sarili, hindi pala sila naliligo the whole winter season? Kaya pala amoy ___(fill-in the blank)__ sila. ' Pag nahulaan 'nyo kung ano'ng amoy meron sila may premyong isang kilong balakubak  hehe...

Mayroon akong  isang kaibigang Hapon. Mabait at makwela din. Madalas kong nauuto makaututang dila noong nasa Japan pa ako. In short close kami. Noong isang linggo nagpost siya sa FB wall ko. Nangangamusta. Tinatanong kung ano ang address ng bahay ko. Nagreply ako kung bakit.  Sabi niya kung naalala ko pa ba daw 'yung ipinangako niya sa akin noong nakaraang buwan. At TING! Naalala ko  pa  ang pang-uuto ko sa kanya. Weee!

Dumating nga kahapon ang sanhi ng pang-uuto isang box na ipinangako ni Watabe- chan straight from Japan. Humingi siya ng paumanhin kasi medyo natagalan daw. Naging abala lang din kasi sa trabaho. Kahit alam ko na ang laman ng box, nagulat pa rin ako sa nakita. Andaming chocolates! Tantiya ko good for one month supply ito hehe...Hindi naman ako madalas kumakain ng tsokolate  pero 'pag stressed ako, mabentang mabenta ito sa akin. 


Nakakatuwa  kasi kahit malayo siya, naaalala niya pa rin ang  walanghiya  pobre niyang kaibigan dito sa Pilipinas. Hindi naman talaga kasukatan sa pagkakaibigan ang mga anek-anek na ibinibigay o natatanggap dito. Kundi ang pagpapakita at pagpaparamdam ng kahalagahan nito sa kanya.  It's the thought that counts ika nga. (seriousness na to!).


Habang pinupuno ko ng tsokolate ang loob ng fridge, naalala ko ang isa pang kaibigan. Closeness din sa akin. Masama lang ang loob ko  kasi may ipinangako siyang pinako. OO pinako at hindi napako kasi pakiramdam ko sinadya niya talaga ang pagpako ng kanyang pangako.  Malabong kausap. Singlabo ng usok na ibinubuga ng mga tambucho ng sasakyan sa EDSA. Sana  hindi na lang nagbitaw ng mga salita na hindi din naman kayang panindigan. 'Yung tipong pinapaasa ka sa wala. I heyret! Masakit pala kung ang panlilinlang ay nanggagaling sa taong malapit sa'yo lalo pa't mahalaga para sa'yo  ang bagay na napagkasunduan.

Hindi ako nagmamalinis. May mga pangako na din akong 'di natupad. Sadyang may mga bagay  lang na hindi  ito maiiwasan lalo pa't hinihingi ng pagkakataon. Humihingi na lang ako ng dispensa at nagmi-make love  make-up sa taong napangakuan. Ginagawa ko ito hindi lang sa pinapahalagahan ko ang aking  sinabi kundi  dahil pinapahalagahan ko rin ang taong iniwanan ko nito.

Ang cute ko ng ngipin noh? LOL
Syetness! Bakit may halong ka-emohan ka-engotan 'tong post na 'to? Eh magpapasalamat lang naman ako sa isang nakaalalang kaibigan hehehe...Isang blessing ang magkaroon ng isang tunay na kaibigan. At dahil doon huffee ako kaya bibigyan ko na lang kayo ng isang winner smile! LOL.
 
Domou Arigatou Gozaimashita Watabe- chan!
Bagay na bagay ang padala mo sa akin kasi stressful sa akin ang mga darating na araw...Ganbatte!

Tuesday, August 17, 2010

Isang Pagtikim


Kung bibigyan ako ni Lord ng isang natatanging power,  malamang sa alamang,  hihilingin ko na magkaroon ng kakayahang lumipad. Kapag nakakalipad ka kasi, puwede mong mapuntahan ang lahat ng gusto mong puntahan. Kaya mong magbreakfast sa HK, maglunch sa SG o kaya magdinner sa JP. Kung gusto mo naman ma-experience ang jumebs sa toilet ng mga mababantot  Arabo, yakang yaka  'yun ng isang liparan lang. Para sa hindi makarelate click 'nyo dito. At dahil nga nakakalibre ka sa pamasahe, kaya mong umuwi kahit araw araw pa sa iyong probinsiya. Kaya lang, konting ingat lang at baka masibat ng mga tagaroon at akalaing isa kang manananggal (corngrits) LOL. At kapag ipagkakaloob sa akin ni Papa Jesus ang ganoong kapangyarihan, gagawa ako ng sarili kong TRAVEL SHOW. At iinggitin ko kayo magba-blog ako palagi tungkol sa escapades ko.

Kaso imposibleng mangyari 'yun. Isa lang akong dakilang pogi tao. Walang pakpak tulad ng sa isang lawin. Walang kapa katulad ng kay Superman. Walang flying carpet ni Binladen ata yun? LOL. Walang fairy dust ni...ni...ni...Tinggil Ber (cnxa na hirap akong magfrunawns) . Kaya hindi ako pwedeng lumipad. Siguro nga hanggang panaginip na lang ito. Wala ng katuparan pa.
.
Pero nung minsang tinanong ako ng adik tropa kung gusto ko ba daw sumama sa kanyang paglipad, ay sumilay ang panibagong kong pag-asa. Tiyak na lulutang daw ako sa gagawin namin. Parang nasa alapaap lang daw  pag sinubukan  ito. Heaven na heaven daw ang pakiramdam sa halagang 200 pesos lang. Sumama ako sa kanya ng walang pag-aalinlangan. Dinala niya ako sa lugar na pagdadausan ng aming pot session  gagawin. Malamig at mapayapa sa lugar na iyon. Naisip ko, bagay na bagay sa mga taong nalulungkot na tulad ko ang gagawin namin. Iniabot ko sa kanya ang dalawang daang piso kapalit ng isang bagay na alam kong makakatulong sa paglimot ng aking kalungkutan kahit ito'y panandalian lamang...

Unang beses lang naming tumikin 'nun. Naunang tumikim ang kaiibigan ko. Kitang kita ko kung paano tumirik ang kanyang mga mata at kung paano siya napasigaw sa sarap na nararamdaman. Sabog na sabog. Nagsilabasan ang ga-butil na malalamig na pawis sa kanyang noo matapos itong subukan. Bigla akong na-excite sa nakita. Buo na ang loob ko. Titikim din ako.

Hindi  ako nagsisisi sa pagsama sa aking kaibigan. Tumikim din ako. Aaahhh...Sadya ngang masarap ito sa pakiramdam at nakakawala ng problema sa buhay. At ako naman ngayon ang sabog na sabog. Bakas sa mukha ko ang kakaibang nararamdaman. Habang nauupos ang sensasyon sa katawan ay parang hinahanap hanap ko na ito. Gusto ko pang umulit. Gusto ko isa pa!
.
Ngunit hindi na sapat ang aking pera para malasap muli ang langit. Kaya nilisan na lang namin ang zipline. Kahit panandalian lang ang hatid na kaligayahan nito ay habambuhay naman itong tumatak sa aking diwa. Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na iyon.


Yes. I survived the Tagaytay Ridge's Zipline. Weeeee!!!


 At ang sumunod  sa adventure lists ko ay ang Bungee Jumping sa Bohol at ang Sky Diving sa Cebu. Sana matuloy. 'Pag natupad iyon pwede na akong mamatay. JOKE. Simbako palayo intawon*. LOL.



*Simbako palayo-  Visayan famous expression when something is morbid or undesirable...

Monday, August 9, 2010

Domesticated

Hindi ko na-enjoy ang aking weekend kasi nag-iinarte ang aking katawan. Imbes na makasama  sa gala ng mga kaibigan, hayun at nagkulong ako sa kwarto gawa ng masama ang pakiramdam. Ganito na ba 'pag tumatanda at lapitin lagi  ng sakit? Masyado lang kasi akong stressed noong nakaraang linggo at sinamahan pa ng lagiang pag-ulan kaya heto nagkatrangkaso tuloy. Tsk tsk... 

Kaninang umaga (Lunes) medyo masama pa rin ang aking pakiramdam  (at inatake ng KATAM* hehe) kaya tumawag na ako sa opisina na hindi muna makakapasok. Gusto ko lang sanang humilata buong magdamag nang bigla kong mapanood sa TV ang isang balita. May outbreak daw ng Dengue sa parte ng Batangas at Laguna. AUMMIGAUDNESS! Naalarma ako at naisip kong baka biktima na ako ng nasabing sakit. Binigyan ko ng kondisyon ang aking sarili. 'Pag hindi pa nawala tong init ng katawan ko este itong feverish feeling na ito, tatawag na ako ng ambulansiya (OA haha).

At dahil dun naisip ko  magpapawis. Dahil halos isang daang dekada ko na din  hindi nagagawa ang  mga gawaing bahay, 'yun ang kinarir ko kaninang umaga. Inuna ko ang mga mabasang gawain. Paghuhugas ng pinggan, paglilinis ng lababo, paglilinis ng banyo at paglalaba ng mga damit. Sumunod ay ang pagpapakintab ng buong bahay. At charaan! Natapos ko ang lahat ng gawaing bahay bago magtanghalian. How about that? hehe...

cleaning the backyard...





Pero nasa mood pa rin akong magkikikilos matapos makapananghalian. Kaya this time pinagdiskitahan ko ang labas ng bahay. Nilinis ko ito ng bonggang bongga lalo na sa bandang likuran. Gusto ko sanang magsiga para tuluyan ng magdisappear ang mga asungot na kapitbahay pati na rin ang mga lamok sa paligid kaso bawal pala sa loob ng village. Hays! At BOOM! Nang matapos kong gawin ang lahat ay feeling ko nawala din ang trangkaso ko haha. Kaya bukas papasok na ako kasi tambak na ang tabaho haist! Sana lang hindi na bumalik ang trangkaso ko. Pero so far ok pa naman hindi na ako nilalagnat. (nakakapag-blog na nga eh hehe)...

Ka-engotan lang naman 'tong post na ito. Gusto ko lang naman ipaalala sa lahat  (at aba marunong na pala akong mangaral ngayon? porke't nakapaglinis na ako? LOL) na sana panalitihin, I mean panahitilin este panatilihin nating malinis ang kapaligiran  kasama na ang pagtutuyo at pagtatapon ng tubig na naiipon sa mga bote o garapon, sa gulong,  alulod ng bahay o saan man na maaring tirahan ng mga lamok. Kung may inimbak tayong tubig, pakitakpan na lang po, and that's an order! LOL. Ito ang pinakamabisang paraan para hindi tayo ma-DENGGOY!

Ingat!



*KATAM-  short for katamaran haha...O ha inexplain ko pa dito LOL.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails
Kaleidos © 2008 Template by:
SkinCorner