Wednesday, April 21, 2010

Summah' Sama Final Part

Matapos ang halos isang linggong pamamalagi sa Bohol ay naisip na ng mag-anak na umuwi na sa kadahilanang marami pang kailangang ayusin sa pagbalik. Pero imbes na dumiretso ng uwi ay naisip ko na dumaan muna sa isla ng Camiguin kahit isang araw lang (napaghahalatang mahilig sa galaan si Jag hehehe). Nagulat ang aking mga magulang nang malamang dadaan pa kami sa kabilang isla. Tutol man ay wala na silang nagawa kasi nakabili na ako ng ticket papuntang Camiguin bwahahaha...

Mula Bohol ay kailangang bumiyahe ng apat na oras bago marating ang Camiguin Island. Maganda ang panahon. Perpek para sa biyaheng iyon. Nilisan namin ang Bohol pagkatapos naming mananghalian. Super eksayted na talaga akong makita ang kabuuhan ng isla.

Tanaw ko na ang Isla ng Camiguin mga bandang alas kuwatro ng hapon.


Ngunit nag-iba ang ihip ng panahon nang sapitin na namin ang dungguan ng barko ng Camiguin. Hirap ang kapitan na idaong ang barko dito. Wala namang bagyo pero ang lalakas at ang lalaki ng mga alon. Pumapasok na ang tubig sa barko sa lakas ng paghampas ng alon . Pakiramdam ko parang babaliktad na ang barko noon. Sa laki ng alon ay kayang pataubin ang barko (hindi pa naman ako marunong lumangoy... syet!). Medyo nangamba na ako ng mga panahong iyon kasi ang utol at nanay ko ay nagsususuka na sa hilo. Nagsimula na ding mag-iyakan ang mga batang lulan din ng barko. "Lintek na kapitan na yan wala man lang ginagawang announcement para mapanatag ang loob ng mga tao", sabat ko sa sarili. At dahil nga medyo natatakot na din ako ay nagtext na ako sa mga kaibigan at kamag-anak. Atleast alam na nila kung saan kami hagilapin kung sakaling may masamang mangyari ...

Unti-unti na ding kinakain ng dilim ang liwanag. Lumipas ang mahigit isang oras bago pa mapagdesisiyunang lumipat ng ibang daungan. Malalaki pa rin ang mga alon at tuloy pa rin ito sa paghampas nung kami'y pumalaot muli. Anak ng Pocare Sweat naman talaga! Ang bagal mag-isip ng kapitan. Grrr!!! Umikot uli ang sinasakyan naming barko sa ibang dako ng Camiguin para tuntunin ang isa pang daungan.

Pasado alas siyete na ng gabi nang marating namin ang sinasabing daungan. Naghiyawan at nagpalakpakan ang lahat sa tuwa nang daosin namin ang isla ng ligtas. Akala ko doon na nagtapos ang kamalasan namin. Hindi pa pala. Dahil sa pagkakataon ding iyon ay may islandwide black out dahil sa lecheng El Nino na yan. Ang dilim dilim ng paligid. Tapos may biglang mangangalabit pa na hindi mo naman kilala tapos magyayaya na ihatid na ng kanyang motorsiklo papunta sa kung saan ay hindi mo alam kasi hindi nga pamilyar sa lugar. At dahil sa kaganapang iyon ay umeksena si itay. "Hindi na tayo titigil sa isla ngayong gabi, lahat ay uuwi na", ma-awtoridad na sabi niya. Nanlaban ang kalooban ko pero naisip ko din na hindi nga ligtas para sa aming mga dayuhan ang tumigil pa sa isla lalo na't walang kuryente at medyo liblib pa ang lugar. At sabi din ni inay, marami daw aswang doon. Kung hindi man daw kami gawing hapunan ay baka hawahan daw kami upang maging kauri nila. Yaiks! Gusto kong tumawa pero nagpigil lang ako. Para kasi kaming mga bata na tinatakot at pinagsasabihan ng ganoong uri ng kuwento para lang makumbinse kami na umuwi na jijijji...

Kaya hayun pagdating ng barkong pabiyahe ng Butuan ay di na kami nagdalawang-isip na sumakay. Umuwi na talaga kami kasama ng iba pang biyahero na nagdesisyon din na hindi na titigil sa isla. Noon ko din nakilala si Andy, isang Koreanong kanina pa pala nakamasid sa akin habang ako ay nakatanaw naman sa karagatan. Nilapitan niya ako sa pag-aakalang isa akong *balugang* Japanese (foreigner ba) na puwedeng makiramay sa kanyang nararamdaman bilang isang dayuhan din. Naba-badtrip din kasi siya sa mga nangyayari kaya minabuti na din niyang umuwi ng Davao. Hayun nagkakuwentuhan ng mahaba haba at di na namin namalayan na nasa Butuan City na kami. Blessing in disguise talaga ang Mongoloid na iyon (kasi yellow-skinned di ba?) sa amin kasi may dala pala siyang sasakyan at hindi na naming kailangang antayin ang pang-last trip na bus para lang makauwi sa amin. Mabait siya kasi hinatid niya kami sa bahay. At simula nun ay naging mabuting magkaibigan na kami.

Hanggang dito na lang po ang kuwentong Summah' Sama. Salamat sa lahat ng mga sumubaybay sa summer getaway ng pamilya. Naging mailap man sa amin ang isla ng Camiguin ay masaya na rin ako kasi nagkaroon ako ng bagong kaibigan at higit sa lahat ay nakauwi ang mag-anak na safe and sound. Kung nagkataon ay kasalanan ko pa kasi ako ang nagpumilit na mangibang-isla pa. Pero isinumpa ko, babalikan kita CAMIGUIN....












Summah' Sama Part 2


Mahigit dalawang oras din ang nilayag ng mag-anak bago makarating sa isla ng Bohol mula Cebu. Lahat ay eksayted. Sa sobrang eksayted ay mas inuna pa ang paggagala kesa kumain. Hindi na inalintana ang gutom na nadarama.


Sa tulong ni manong drayber ay napupuntahan namin ang mga nais naming puntahan. Una naming tinungo ang pinakabantog na Chocolate Hills. Sa unang pagkakataon ay nasaksihan ko kung gaano kaganda ang animoy matatambok na dibdib ng mga babae na nakausli sa lupa. And dami dami. May mga sabi sabi na dati raw sakop ng karagatan ang isla ng Bohol. Ang mga hills daw ay likha ng malalaking alon, humupa ang dagat at sa pagdaan ng libu-libong taon ay naging sediments ang mga ito. At iyon lahat ay base sa sinabi ni Manong drayber hehehe...Sorry na first time ko lang din sa lugar kaya naniwala ako kay manong hehehe...

View of Chocolate hills in Carmen Area



Hinahabol namin ang oras kasi medyo late na kaming nagliwaliw. Bago nagtanghalian ay sumaglit muna kami sa hanging bridge. Gusto lang sumubok ni inay na dumaan sa umaalog -alog na tulay. At natuwa naman ako sa naging reaksiyon niya. Sisiw lang daw pero nangangatog naman ang kanyang mga tuhod sa takot hahaha...Hangkyut ni inay pramis! hehehe...



Pasado ala-una na ng hapon nang sapitin namin ang Loboc River kung saan matatagpuan ang sikat na sikat na mga floating restaurants. At nakakaramdam rin pala kami ng gutom kaya nagpareserba na kami ng table.


At take note, bawal ang mababagal at mahihinang kumain dito kasi buffet style siya. Lugi ka kung mag-iinarte ka. Kaya naman ngasab dito lamon doon ang ginawa namin para sulit ang bayad hehehehe...


Habang kumakain ay hinaharana kami ng isang mangangawit. May katandaan na siya pero hindi pa rin kumukupas ang kanyang galing sa pagkanta at pagtugtog ng gitara.




Maganda ang tanawin di ba? What if may biglang sumulpot na monster sa ilalim ng tubig tapos biglang manggulo sa aming paglalayag? Naisip ko lang hehehe....




Kasama ng iba pang mga dayuhan ay namangha ako sa mga katutubong sayaw na ipinamalas ng mga residente doon. Dahil sa nagandahan ako, napadukot tuloy ako ng 20 pesos para sa donasyon (yun lang ang kaya ko eh) hehehe...


Nainggit ako sa mga naliligo pero sa kabilang banda naisip ko pa rin na baka nga may dambuhalang nilalang na lumalamon ng tao...kaya hayaan ko na lang sila na lamunin ng monster este hayaan ko na lang sila na maligo hehehe...(Hangkulet ko)



Hindi pa doon nagtapos ang getaway ng mag-anak sa araw na iyon. Dumaan kami sa man-made forest. Bumaba at nag-fecture fecture...



Dinalaw ang nawawalang kamag-anak....

Sa wakas! Natupad na din ang pangarap ko na mabuo na ang pamilya. Siya si Tarsy, ang nawawala kong kapatid.




Isa din sa dahilan kung bakit pumunta kami ng Bohol ay gusto lang uli makapagsamba ni inay sa Baclayon Church. Parang may panata ata siya dito.





Medyo pagod na ang lahat pero marami pang kailangang puntahan kaya dumiretso na kami sa makasaysayang "Blood Compact".




Hindi na sana namin pupuntahan ang bahay ng pinakamaliit na tao sa Bohol pero nakyuryos lang ako kaya pinilit ko si manong drayber na tukuyin ang lugar. At doon nakilala ko si lolo, 63 years old, halos dalawang talampakan ang taas niya. Hindi na nakakakita, hindi na nakakapagsalita at hindi na rin nakakatayo. Maselan na din sa pagkain si lolo. Medyo naantig ako sa kalagayan niya. Tanging ang bumubuhay na lamang sa kanya ay ang mga donasyon ng mga taong dumadalaw sa kanya. Kaya kung magagawi man kayo ng Bohol, sana mag-abot din kayo ng kaunting tulong sa kanya.



Hayun, pagkatapos nun ay dumiretso na kami sa Panglao para mag-overnight stay. Kahit pagod ang lahat ay bakas sa mga mukha ang tuwa at saya dahil sa magandang karanasan na hindi malilimutan lalo na't magkakasama kaming mag-anak. Pero bago ko pa naipikit ang mga mata para matulog ay bigla kong naalala na nakalimutan pala naming puntahan ang Hinagdanan Cave. Hays! Sabi ko na nga ba. Eneweiz hayweiz hanggang dito na lang muna ang kwentuhan mga tropapitz!. Abangan 'nyo na lang ang not-so-happy island hopping experience namin sa isla ng Camiguin.

Hanggang sa muli! Enjoy your summer!


Wednesday, April 7, 2010

Summah' Sama Part 1

At napagkasunduan nga ng mag-anak na tumungo sa KABISAYAAN para makapag-chillax, makapaglibang, at makapag-spend ng quality time sa isa't-isa. Medyo malungkot nga lang kasi hindi na kumpleto ang mag-anak. May kanya-kanyang buhay na din kasi ang ibang miyembro ng pamilya. May hindi pwede kasi busy sa kanilang trabaho, may hindi pwede kasi busy sa kanilang pamilya, at lalong may hindi pwede kasi nasa ibayong dagat din. Kaya apat lang sa miyembro ng pamilya ang tumuloy- ang pinakapogi sa lahat, si tatay , ang magandang si nanay, si makulit na bunsoy at ang isa pang pogi na... si AKO ( alam 'nyo na iyon siyempre may pinagmanahan haha).


Breakfast at Davao City International Airport, 2 hours before boarding for Cebu.

Unang naging destinasyon ng pamilya ay ang CEBU City. Halos limang taon din ang lumipas bago uli ako nakatuntong ng Cebu. Maraming nagbago sa lugar. Buti na lang nandun si Cyborg, a.k.a Borgy, isa sa malapit na kaibigan upang i-guide at i-tour kami. Inadjust niya ang iskedyul niya para sa amin. Sino ba naman ang di matatats nun? hehehe...Many thanks Borgy!Kahit maitim ang buto mo may bait ka rin pala. Joke!Peace!Seriously, mabait talaga yun hehehe... Ikinatuwa niya din ang pagpunta namin sa Cebu kasi for the longest time ay nagkita uli kami. After kasi naming magtapos ng kolehiyo ay doon lang uli kami nagkita.

Ayala Cebu


Nakakapanghinayang lang na maikling panahon lang ang pwede naming itigil sa Cebu. Hindi na kami nakagala sa mga scenic spots doon. Pinagkasya na lang namin ang oras sa paglilibot-libot sa Ayala Mall.


Pagkatapos kumain sa restaurant ay tumulak na kami sa tinutuluyang hotel para makapagpahinga. Napagod lang kasi ang mag-anak at kailangang mag-ipon ng lakas para sa mas nakakapagod na aktibidades kinabukasan.



Maaga pa lang ay lulan na kami ng maliit na barko para sa biyahe papuntang BOHOL. Iyon lang sa ngayon. Short lang kasi ang trip sa Cebu kaya short lang din ang story hehehe... Abangan niyo na lang ang mahaba-habang Bohol Escapade ng mag-anak hehehe...

***


I would like to grab this chance to say sorry to Ma'am eden of Moments to Remember for I wasn't able to respond her Tag about the Easter thing. Nagkaproblema lang kasi sa PC at internet connection ko for almost a week. Babawi na lang po ako sa susunod. Thanks for tagging me. d: )

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails
Kaleidos © 2008 Template by:
SkinCorner