Nalulungkot ako sa nangyayari sa mundo ngayon ninyong mga tao. Napamahal na kasi ako sa planeta 'nyo. Masakit para sa akin na nakikita ang walang humpay na kaguluhan sa Gitnang Silangan na marami ang namamatay dahil lang sa isang baluktot na paniniwala at ang pagiging gahaman sa kapangyarihan. Sabayan pa ng sunod-sunod na hinagpis ng kalikasan. Gustuhin ko man ay hindi kaya ng kapangyarihan ko na pigilin ang mga delubyong ito. Dahil sa mga nangyayayri ngayon, alam kong naapektuhan ang karamihan sa inyo... lalo na yung mga taong nasa mababang antas ng pamumuhay.
.
.
Wala akong kasagutan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Nakakatakot pero kung totoo man ang sabi ni mamang may mahabang balbas na matatapos na ang mundo ay hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin. Hindi sapat ang aking kapangyarihan upang baliin ang kanyang propesiya. Wala na akong magagawa pa. Kaya sana ikaw tao, oo ikaw, magpakatatag ka lalo sa panahon ngayon. Sa tindi ng hamon sa buhay ay isantabi mo muna ang pagiging mahina. Lumaban ka at palaging dalhin sa sarili ang dalisay na puso. 'Wag patatalo sa kasamaan. Ikaw lang ang makakapagligtas sa sarili mo. 'Wag kang lumimot sa Poong Maykapal. Siya lang ang tangi mong masasandalan sa panahon ng kagipitan.Wala ng mas makapangyarihan pa sa pagdarasal.
Hangad ko na sana malampasan 'nyo ang matinding dagok sa buhay ngayon. Wala muna kayong maasahan sa akin kasi nangihina din ako. Nahihirapan akong tanggalin ang sumalubsob na Kryptonite sa aking daliri kaya goodluck na lang sa ating lahat. Aja!