Lately, marami akong sentiments sa work ko na kesyo ayoko na, hindi na ako masaya, bored na. Pero wala din akong magawa kundi magtiis at magpaalipin na muna kesa naman sa walang trabaho. Marami na nga akong pinagsasabihan ng sitwasyon ko pero halos lahat ng sinasabi nila ay kailangan ko lang daw magBREAK, mahirap daw maghanap ng trabaho and all kaya tiyaga tiyaga na lang daw muna...tama naman sila pero sana itong patience ko ay makakapag sustain pa ng ilang hibla... Siguro nga masyado lang din akong naging abala nitong mga nakaraang araw kaya ako nagkakaganito. Sa linya naman kasi ng ginagawa ko ngayon feeling ko tumanda na ako. Sighs!Gusto ko tuloy umuwi sa amin. Parang ayaw ko na dito sa siyudad. Kaya naman minsan habang nakaupo ako sa opisina at pinagmamasdan ang mga matatayog na gusali ng Makati ay naiisip kong bumalik na lang kaya ako sa bukid? Doon kung saan si Jag ay minsang namuhay ng simple at payapa.
Doon sa kung saan puwede akong makipagharutan sa mga alagang kalabaw. Naalala ko tuloy noong kabataan ko. Muntik muntikan na akong mamatay (overstated haha) dahil sa muntik na akong masuwag ng kalabaw. Dahil sa kakulitan ko, pinipitik pitik ko kasi ng tingting ang puwet ng kalabaw. Sabi naman kasi makapal ang balat ng kalabaw kaya akala ko hindi ito masasaktan ngunit nagalit ito at muntik na ako tamaan ng kanyang matulis na sungay. Buti na lang nakita ako ng kuya at dagling inalis. Anim na taon lamang ako noon. Whew!
O kaya sa tuwing umuulan ay nanghuhuli ng mga palakang bukid at ginagawang ulam pagsapit ng gabi. Kapag bumabaha naman sa sapa ay tuwang tuwa kaming magkakalaro na nagtatampisaw doon kahit pa ito'y maputik at maraming linta. Sa gabi naman ay wala kang maririnig sa labas ng kubo kundi ang mga huni ng kuliglig, hiyaw ng mga tuko at iba pang mga nilalang kung saan nagiging abala lamang tuwing gabi.
Doon sa bukid ay marami akong naiwang magagandang alaala. At totoong miss ko na ang mga iyon. Sana nga makabalik pa ako doon. Sadyang nakakaaliw pagmasdan ang mga hayop doon.
At sadyang kay gaganda ng mga tanawin. Ang titingkad ng kulay ng mga bulaklak. Namumukadkad ito sa ganda. Ang halimuyak na hatid nito'y nakakahalina.
Ang matayog na bundok sa kabilang ibayo na matagal ko ng ninanais maakyat pero parang hindi na yata matutupad. Sabi ng tatay ko marami daw bandido doon kaya delikado daw. Hays ewan! Totoo man o hindi ayoko na din mangahas, mahirap na.
Masaya doon. Simple man ang buhay ay nakakaraos pa rin. Hindi katulad sa siyudad, mabilis ang takbo ng buhay. Maunlad nga pero magulo. Nakakasulasok ang usok na nanggagaling sa tambutso ng mga sasakyan. Bawat kilos ay may katumbas na salapi. Kaya naman mas gugustuhin ko pa ring manirahan...DOON sa amin.
(Screeching sound) O siya, tapos na akong mangarap. Hindi pa pala ako tapos sa ginagawa ko. Work mode na uli. Pasensiya na pala medyo nawala ako ng matagal tagal. Ingat na lang kayo! Babuh! Mwah!
