Huwebes Santo ng gabi nang mapagkasunduan ng barkada na akyatin ang Bundok Makiling. Dahil sa may kasama kaming taga doon ay hindi kami hinarang ng mga nagbabantay ng bundok dahil kilala naman siya sa lugar. Yun nga lang hindi na kami pinayagan na tumaas pa lalo't gabing gabi na at bengaw pa (lasing) ang kasama naming guide. Sa totoo lang parang kami pa ang naging guide ng kasama namin kasi panay antabay namin sa kanya at baka mahulog siya sa bangin dahil sa kalasingan. Lumagok ba naman ng tatlong bote ng gin bilog bago umakyat. Kaadikan lang.
Maaga kaming nagligpit kinabukasan upang ipagpatuloy ang pag-akyat. Di tulad ng iba, privileged kaming nakapunta sa pinakamasukal na bahagi ng bundok dahil nga may guide kami na taga roon. Doon na nagsimula ang aming penetensiya dahil nasa kundisyon na ang aming guide. Sinuong namin ang dapat ay hindi puwedeng puntahan.
Ang bilis kumilos ng aming guide. Parang naglalakad lang siya sa kapatagan. Yung ibang kasamahan ko umaatungal na dahil laging nahuhuli. Ako naman nag-eenjoy lang kasi iyon ang hanap ko--real adventure hehe...Pero nakaapat na oras na kami sa paglalakad ay hindi pa rin namin makita ang daan papunta sa tinatawag nilang Cogonan, isang lugar kung saan tanaw ang lahat. Only to realize na nawawala na pala kami. Kahit 'yung kasama naming guide ay hindi na rin tukoy ang aming dinadaanan.
Wala kaming dalang compass kaya wala kaming choice kundi ang magpatuloy sa paglalakad at tahakin ang hinahanap na lugar. Kinakabahan na din ako kasi napapansin ko na 3 beses na naming nadadaanan ang lugar na tila ba ay parang namamaligno na kami. At first hindi ako naniniwala pero nung nadaanan muli namin ang lugar na iyon, nag-alala na ako. Mag-aalas kwatro na kasi ng hapon ay wala man lang kaming makitang trail. Ewan pero may parang dinadasal si manong guide nang mapagtantong nawawala na kami. Tapos mas lalo pa kaming pinahirapan nang magdecide siya na mag-iba ng ruta at kailangang lumusong sa bangin na maraming halamang matitilos. Nasa halos kalahating oras din kami sa paglusong at hindi na nga kami umulit- ulit sa dinadaanan namin.
Nagtuloy kami sa aming paglalakbay sa kabundukan upang mahanap ang hinahanap na lugar. Mahirap pa rin ang aming pagtahak. Gayunpaman, nilibang ko pa rin ang aking mga mata sa mga tanawing hindi karaniwang nakikita ng mga tao sa kapatagan.
Kahit marami na akong sugat gawa ng mga matatalim na dahon at kahit na may 4 na leeches na ang sumisipsip ng aking dugo ay hindi ko na ito inalintana dahil sobrang nag-enjoy ako sa mga nadadaanang tanawin.
At mayamaya pa ay may nakita na kaming trail. Marami na ding cogon na halaman. Narating na nga namin ang lugar, ang tinatawag na Cogonan, isang bahagi ng Bundok Makiling kung saan matatanaw ang lahat sa ibaba.
Napakasarap sa pakiramdam. Napawi lahat ng pagod namin. Parang isa akong diyos na nagmamasid sa kalahatan.
Gusto pa sana naming magtagal pa pero kailangan na naming bumaba. Akala ko magiging maalwan na ang paglusong namin sa bundok pero mas mahirap pa pala ang nangyari. Inabutan kami ng dilim. Nag-short cut kami. Dumaan kami sa bangin na tantiya ko ay nasa 80 degrees ang inclination. Sa sobrang wala na akong lakas sa pagpigil ng aking bigat ay muntik na akong mahulog. Buti na lang sumabit ang bag ko sa ugat ng puno. Akala ko katapusan ko na talaga. Mahal pa rin talaga ako ni Papa God. Hindi niya hinayaang mangyari sa akin iyon.
Matapos ang mahigit dalawang oras na pagbaba ay nakarating din kami sa kapatagan ng San Miguel, Sto. Tomas, Batangas. Sa nangyaring iyon ay wala akong pinagsisisihan. Bagkos marami akong natututunan. Mas mahal ko ang buhay ko ngayon. May mga kaunting galos lang at pasa pero ayos pa rin naman. Ang pag-akyat kong iyon sa araw ng Biyernes Santo ay isa sa pinakamahirap at hinding hindi ko malilimutang karanasan.