|
Yuri with me and my crazy hair. |
Minsan kaming napadpad ng boss ko noon sa syudad ng Sendai upang maghapuan sa isang kilalang restaurant doon. Hinding hindi ko makalimutan ang inorder namin noon na sikat na sikat na pagkaing grilled cow's tongue o mas kilala sa tawag na gyutan. Kahit hindi ko masyadong nagustuhan ang pagkain ay ayos lang kasi nakilala ko naman si Yuri chan, isa sa mga crew ng restaurant. Maganda, masipag at mabait. Hiningi ko kaagad ang number niya kasi hindi kami pwedeng mag-usap ng matagal dahil marami pa siyang ginagawa. Simula noon, naging malapit na magkaibigan kami at madalas magpalitan ng text messages at e-mail sa isa't isa. Madalas din kaming magkita kasama pa ng iba pa niyang mga kaibigan kapag may mga libreng araw kami. Kahit papaano, nabawasan noon ang pagka-homesick ko.
Mahigit isang taon na mula nang lisanin ko ang bansang Hapon. Tuloy pa rin ang aming komunikasyon. Hindi siya pumapalya na sumagot sa mga pangangamusta ko sa e-mail. Pero nitong mga nagdaang linggo mula ng mangyari ang di inaasahang delubyo sa Japan ay wala na akong narinig pa mula sa kanya. Nakakalungkot isipin pero 'wag naman sana. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na sana ay nasa maayos na kalagayan ngayon ang babaeng minsan nagpatibok ng akig puso...
...at sa bansang mahal ko pangalawa sa lupang sinilangan, alam kong babangon at babangon kang muli. Ganbarimasu!